Masasabi kong mukhang natanggap ko na yata ang pinakamalaking sorpresa sa buong buhay ko…
Elementary pa lang ako, bukas na sa mga nakakakilala sa kin na galing ako sa isang broken family. Hindi ko kinakahiya yun. Naging hamon para sa kin ang bagay na yun para ipakita sa lahat na matatag akong tao. Iyon na rin siguro ang naiisip kong dahilan sa pagiging open-minded kong tao. Kahit kailan kasi, hindi ako nagrebelde sa mga magulang ko. At bakit ko naman gagawin yun? Wala na nga akong sariling pamilya na maituring, sisirain ko pa ang kinabukasan ko… sinong magiging kawawa? Syempre ako.
Pero inaamin ko, kahit pano, nararamdaman ko na parang may kulang sa pagkatao ko. Sa tuwing magsisimba ako mag-isa, hindi ko maiwasang malungkot kapag nakakakita ako ng isang kumpletong pamilya na sama-sama pumupunta ng simbahan. Hindi ko nga naranasan na makita man lang na magkasama ang nanay at tatay ko. Ewan ko ba. Pero bata pa lang ako, tanggap ko na sa sarili ko na hindi talaga mangyayari yun.
Pero ok lang. Kahit na ganun, pinalaki naman ako ng maayos ng lolo at lola ko. Itinuring ko nang pangalawang magulang ang lolo’t lola ko. Kung sasabihin ko sa’yo ang totoo, masasabi kong mas matimbang sila para sa kin kesa sa mga tunay na magulang ko. Siguro ganun talaga kapag hindi ka lumaki kasama ang mga magulang mo.
Isang beses ko pa lang nakita ang tatay ko sa buong buhay ko. Tandang-tanda ko pa, September 18, 2004 nung una ko siyang makita. 2nd year college na ko nun at 18 years old. It took that long para lang makita ko siya. Syempre excited ako nun kasi frist time ko siya nakita. Pero…after that, parang wala na. Parang hindi na mahalaga sa kin kung makita ko pa siya ulit o hindi na. Siguro dala yun ng pagkasanay ko na walang mga magulang sa tabi ko. Sabi ko sa nanay ko, mas gusto ko pa ma-meet yung mga half-siblings ko.
Ngayon 4th year college na ko. Birthday nun ni Pau, September 20, 2006. Katatapos lang namin magklase sa subject na Rizal. Lumabas agad ang professor namin. After some few seconds bigla siyang bumalik, tila may nakalimutan. Tinawag ako mula sa bintana at sinenyasan akong lumabas sa classroom. Naisip ko na baka may ipapagawa sa kin… pero ano naman kaya yun…? Wala akong idea that time.
Les: (kinakabahan) “Sir bakit po?”
Prof: “Nung intrams pa sana kita gusto kausapin, kaya lang hindi yata kayo pumasok ng school nun”
Les: (lalong kinabahan) Shit. Wala naman akong ginawang kalokohan sa mokong na ‘to ah. “Ah, oo nga po eh… ehehe”
Prof: “Hindi mo ba ako namumukhaan?”
Les: (nawirdohan bigla) “Hindi po.”
Prof: “Alam mo kasi, sa Canalate ako nakatira ngayon. Pero sa Atlag ako tumira.”
Les: (parang wala lang) “Ah.”
Prof: “Hindi mo talaga ako namumukhaan?”
Les: “Hindi po eh.”
Bigla pumasok sa isip ko na taga-Atlag ang tatay ko.
Les: “…yung tatay ko po, alam ko taga-Atlag yun.”
Prof: “Ano bang pangalan ng tatay mo?”
Les: “Cipriano po. Pero ang alam ko po, Piring ang palayaw niya dun.”
Nagkaroon ng sandaling katahimikan.
Prof: “Alam mo Lester, tayo ay magkapatid.”
Si Mr. Teodulo Cruz (nickname: Ted) ay kapatid ko. Wow, parang telenobela. Akala ko sa TV lang pwedeng mangyari ang ganung insidente. Syempre nabigla ako. Langya, mahigit tatlo o apat na buwan ko nang propesor ang mokong na to, yun pala kapatid ko.
Rizal ang unang subject na pinasukan ko noong nagdaang semestre (late pa nga ako nun eh… hehe as usual) at kahit katiting ay hindi ako naghinala na kapatid ko siya. Mukhang ganun din naman siya sa kin. Pero sabi niya, habang nagtatagal nakikita niya ang mga palatandaan na kapatid niya nga ako:
- Cruz ang apelyido ko (syempre)
- L.P. ang initials ng ng first name ko, which is according to Kuya Ted (naks) and my mom, first letters ng pangalan ng nanay ko at tatay namin ni Kuya Ted (magkaiba kami ng nanay).
- Kinonfirm ng nanay ni Kuya Ted na “Lester” ang pangalan ng half-brother nila (ako yun).
- Taga-Panasahan ako. Taga dun din kasi nanay ko.
September 30, 2006 nagpunta naman ako sa bahay ni Kuya Ted sa Canalate. Na-meet ko dun yung isa pa naming kapatid, yung bunso nila (Pero officially, ako na ang bunso nila ngayon… hehe) na si Kuya Anton. Uminom kami kasama ang iba nilang mga kaibigan. At doon nagkwento sila sa kin ng mga bagay-bagay tungkol sa tatay namin.
Hanggang ngayon medyo hindi pa rin ako makapaniwala na sa BSU ko lang pala makikilala ang isa sa mga kapatid ko. I’m sure maraming magugulat, lalo na siguro ang mga kaklase ko. Whew!
Coincidence? Nope. It’s Fate.