Monday, June 30, 2008

Mike Enriquez, Hindi na Nakakatuwa!

Medyo napansin ko lately na itong si Mike Enriquez eh napapadalas ang pagki-clear ng boses on nationwide television at pagkatapos ay magsasabi ng kanyang trademark na "Excuse me po!". Hindi ko maintindihan kung marami bang nakabarang plema sa lalamunan nya o katatapos lang niyang kumain ng isang toneladang chocolate with almonds.

Naging suki na siya ng mga mahilig mag-spoof dahil sa kanyang gawi na iyon. Pero habang nagtatagal eh parang hindi na nakakatuwa at nakakatawa. Kung nagpapakyut siya, eh tigilan na niya. Sa tingin ko nga dapat magbakasyon muna siya at magpasuri sa doktor. Medyo nakaka-bother na kasi ang madalas niyang ginagawa na iyon. Kumbaga sa panonood ng pelikula (o kaya'y pakikipag-ano), kung kelan ka nasa climax [ng istorya] saka naman may biglang mangiistorbo dahil sa pag-"ehem". Badtrip diba?

Anyways, congrats kay Manny Pacquiao. Medyo natatawa lang ako sa mga clips na pinapalabas sa news (sa 24 Oras) partikular dun sa ipinapakita yung mansion ni Pacquiao kung saan nandoon ang kanyang MGA kamag-anak at MGA MALALAPIT na kaibigan. Ang DAMI kasi niyang mga MALALAPIT na kaibigan at kamag-anak. Siguradong-sigurado ako na noong naguumpisa pa si Manny eh wala ang mga yan. Tsk Tsk. Iba talaga ang nagagawa ng pera at popularidad.

Ü

Saturday, June 28, 2008

Tsuk!

May mga bagay akong ginawa, sinabi, at naramdaman na hindi ko sinasadya.


At sa bandang huli, masasaktan din pala ako...


...nang hindi sinasadya.







Bow.

Friday, June 27, 2008

The Search is Over

Medyo matagal ko na rin hinanap 'to. Kahit sa Google o Yahoo Search hinanap ko na rin. Pinatulan ko na rin kahit iba pang mga search engines, pero hindi talaga ako nagtagumpay. Kaya heto, nagtyaga akong magbabad sa tibi para lamang kabisaduhin at ialay sa buong mundo ang.... DYARAAAAAAANNN!!! Ang lyrics ng Huggies TV ad! Enjoy!

Lilipad na tayo, may suot na ang* pangpiloto

Sa langit isulat ang pagbati:

My baby is here, my baby is here

Tayo na't lumakbay at sa agos sumabay

Hangin salubungin na

Explore, dream, discover

Explore, dream, discover!

Saan man makarating, ikaw ang magaling

Kasama ang huggies, abutin mo ang bituin

Kasama ang huggies, abutin mo ang bituin!

Kinabisado din daw ito ni Ofel para i-text sa kin ang lyrics (surprise nya daw sa kin, pero sya na-surprise ko) pero naunahan ko siya! Hehe. Ü

PS: Pwede kayong mag-comment for correction ng lyrics. :D

*After listening carefully again to the TV Ad, I made this correction

Friday, June 20, 2008

Vurtdeigh

Happy Birthday sa kin!

Ngayon ko lang na-realize na marami na pala akong ka-birthday, ibig kong sabihin eh mga kabertdey ko na I know personally. Hindi syempre kasama yung mga tao sa ibang panig ng mundo na hindi ko naman kakilala.

Ang pinakaunang taong nakilala ko na kabertdey ko eh yung pinsan ng nanay ko na si Tita Donna. Naalala ko pa nung musmos pa ko nagkaroon siya ng bertdey party. Hindi ko matandaan kung debut niya yun o ano, pero alam kong meron siyang malaking handaan. Wala akong handa. Sinabi ko sa kanya ng walang kaabog-abog na: “Tita Donna, pwede ba makihati sa handaan mo tapos yung mga matatanggap mong regalo eh hati rin tayo!”

Nung pumasok naman ako ng elementary nakilala ko ang classmate ko na kabertdey ko rin na si Mark Louie Dignadice. Ang alam ko eh kaedad ko siya. Ibig sabihin, malamang magkasabay kaming niluwal sa parehong araw at taon. Hindi nga lang ako sigurado kung pareho rin ng oras at lugar! Wala na kong balita sa kanya dahil lumipat yata siya ng ibang eskwelahan bago pa man kami nagtapos ng elementarya. Wala rin akong masyadong alaala sa kanya. Basta ang alam ko lang kabertdey ko siya. Sa tingin ko eh hindi rin kami close dati.

12 years ago, ipinanganak naman ang pinsan ko na si RJ. Kung anong ikipinayat ko eh siya naming ikinalaki niya! Ipinangalan siya sa tatay niya at sa patron ng simbahang pinagdausan ng kanyang binyag.

Pangalawang beses ko na pumunta ng Sorsogon noong nakaraang Abril, pero noon ko lang nalaman na meron din pala akong mga kabertdey dun! Kabertdey ko si Tito Here at ang kanyang anak na si June Boy (hulaan nyo kung bakit ganun ang pangalan niya). Kaberdtey ko rin ang baby na si Chloe!

Hindi lang yan, kabertdey ko rin ang nanay ng bespren ko! *wink*

Hindi naman ako mahilig sa mga artista pero kabertdey ko rin pala si Camille Pratts at Nicole Kidman. (Hindi kami close)

Whew! Dami no?

Sayang hindi ko naging kabertdey si Jose Rizal. Ü

Wednesday, June 18, 2008

"XEREX"

related post: Bitches and Cream

Dear Xerex,

A-katorse ng Hunyo. Kadiliman, ilang minuto lamang at sasapit na ang ika-pito ng gabi. May narinig na lamang akong sumisigaw. Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa kakaibang sensasyon na nadarama ng pinagmumulan ng boses.

"Sino ba'ng hindi nagsara ng gate???" Boses pala iyon ni Tatay Jun na medyo parang galit.

"Eh hindi naman kami lumalabas ng bahay eh!" Sagot ng lola ko. Nasa loob kami ng bahay at kasalukuyang nanonood ng tibi.

"Ayun at nasagasaanan si Mai-mai!"

"Ano?!!!!" Bulalas ng lola ko na halos manlaki ang mga mata dahil sa kakaibang sensasyong naramdaman nito mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Kahit na sanay na ko sa napakalakas na boses nito eh nagawa ko pa ring magulat. La lang, for a change. Kunwari noon ko lang narinig ang lola ko na napasigaw. Pero mas nagulat ako sa balita ni Tatay Jun, kapatid ng nanay ko.

Boses lang ni Tatay Jun ang narinig ko, kahit na nakasilip lang siya sa bintana. Madilim sa labas eh. Pero pagkatapos nyang isambulat ang mainit-init pa at tila nakakapanghilakbot na balita, hinugot ko ang aking diwa mula sa pagkakatulala matapos pumulandit sa aking isipan ang tila masamang balita. Lumabas din kaagad ako mula sa puerta ng aming bahay para malaman ko pa ang ilang mga detalye. Ayon nga sa kanya eh naiwan ang gate na nakabuyangyang, tila nakaligtaan yata ng pinsan ko at ng asawa niya na isara (nakamotor kasi sila). Sa isang tabi ay nakita ko si Mai-mai na walang buhay. Napansin kong walang dugo sa dinaanan ni Tatay Jun. Malamang ay binuhat nya ang kaawa-awang aso. Akala ko ay may balak siyang ilibing si Mai-mai tulad ng ginawa niya kay Totoy. Hindi pala.

Hulaan mo kung anong ginawa niya kay Mai-mai:

Tinitigan? -Mali.

Ginawan ng "Dog Scandal"? - Mali.

Tinangisan? -Mali.

Dinasalan? -Mali.

Nagpatawag ng mga crying dogs (doggy version ng "crying ladies". nyek)? -Mali

Nagsagawa ng necrological services? -Mali.

Eh eulogy? -Mali.

Kinatay? -Tama.

Kinatay dahil gagawing fertilizer? -Mali.

…dahil trip-trip lang? -Mali.

…dahil iaalay sa mga anito? -Mali.

…dahil banal na aso at natatawa sya, hihihi? -Mali.

Karaniwan na yata talaga sa ating mga Pilipino ang kumain ng aso. Tumpak, mauuwi lang pala si Mai-mai sa mga tiyan ng mga manginginom. Tsk tsk. Hindi ko alam kung kelan nagsimula ang tradisyon na ito ng "asozena", pero pramis nakatikim na ko. Musmos pa ko nun nang makatikim ako ng aso, pero hindi pulutan, kundi ulam. At totoo nga ang sabi-sabi na mainit ito sa katawan. Nag-init nga aking katawan… at dahan-dahan kong hinubad ang aking t-shirt… at unti-unting hinaplos ang aking leeg pababa sa aking dibdib ¾ ng bimpo dahil tumatagtak na ang aking pawis sa init!

Nakakaawa ang mga aso kung kakatayin lamang ito. Isang beses lamang ako tumikim ng aso, pagkatapos nun hindi na. Parang merong "guilt" kasi akong naramdaman pagkatapos ko makatikim. Ewan ko. Parang ang weird nga eh. Kung tutuusin wala namang pinagkaiba ang aso sa manok, baboy, at baka na karaniwan nang kinakain. Pero sa tingin ko meron.

Naalala ko ang isang matagal nang kwento sa Maalaala Mo Kaya. Kwento ito ng isang batang babae at ng kanyang ama kung saan meron silang babuyan. Binilin ng ama sa kanyang anak na kahit kelan ay huwag niyang papangalanan ang kahit isa man sa mga biik/baboy na kanilang alagain. Ngunit dahil sa pagiging likas na matuwain ng batang babae sa kanilang mga alagang biik, pinangalanan niya ang isang biik (hindi ko na matandaan ang ibinigay na pangalan) at kanya itong binigyan ng espesyal na atensyon at pangangalaga. Lingid ito sa kaalaman ng kanyang ama. Hanggang sa dumating ang panahon na kailangan nang katayin ang mga baboy (kasama ang baboy na alaga ng batang babae), nagtaka ang bata nang hindi niya mahaligap ang kanyang paboritong baboy. Tinanong niya ito sa kanyang ama, ngunit nagtaka ito kung sino ang binabanggit ng bata. At natuklasan nga ng ama na baboy pala ang tinutukoy ng bata. Sinuway siya ng kanyang anak. At dun natuklasan ng bata ang dahilan kung bakit hindi dapat binibigyan ng pangalan ang mga alagang baboy. Ayun, nag-iyakan ang mag-ama dahil sa baboy.

Sa sobrang pagiging malapit natin sa isang tao, bagay o hayop, nagiging mahirap at masakit para sa atin ang magparaya.

Pero sabi nga nila, pag may umalis, merong darating. Sumakabilang buhay na nga si Mai-mai, pero nag-iwan siya ng apat na tuta na anak niya kay Taki. Dapat sana ipagbebenta ang mga tuta na iyon dahil mahal ang bigas, walang maipapakain sa lahat ng mga tuta. Nauna nang naibenta ang dalawang tuta. Pero dahil sa hindi inaasahang pagkamatay ni Mai-mai, napag-isipan ng pamilya ni Tatay Jun na huwag nang ibenta ang mga natitira pang dalawang tuta. Wala pang pangalan ang mga tuta. Basta ang isa ay medyo balbon, at yung isa naman ay may kapayatan na laging nakataas ang tenga. Pati ang pagkakataas ng tenga ng isang tuta ay binigyan ng mahiwagang intriga ng lola ko. Aniya, kapag daw laging nakataas ang tenga ng isang aso, asahan daw na matapang ito.

Hindi pa rin talaga ako sang-ayon sa pagkatay at pagkain ng mga aso. Nito ngang mga nakaraang mga araw halos hindi ako makakain ng karne dahil naaalala ko si Mai-mai. Nagsumiksik na naman sa aking isip na maggulay na lang. Frustrated vegetarian ako. At hanggang ngayon frustration ko pa rin yun. Ewan ko ba. Parang ang lahat na lang yata ng masama eh masarap! Hindi ko sinasabing masama ang kumain ng karne. Pero naiisip ko kasi na para mabuhay ang isang nilalang kelangang may maisakripisyong ibang may-buhay. Sa tingin ko ganun na talaga ang patakaran ng kalikasan, at hindi na maari pang mabago. Tayo ay nasa food chain. "Survival of the fittest" ika nga sa wikang ingles.

Kung iisipin mo, ang tao ay hayop din. Isang mataas na uri ng hayop. Hayop na kayang mag-isip, magkwenta, magmahal. Makulay ang kanilang buhay, katulad ng sa aso. Pero bakit nga ba wala nang Xerex sa Abante?! Ang gara naman!