Maswerte na siguro kung 8am, pero between 9 – 11am usually nagigising ako. Mumog. Punta ng cr, tapos timpla ng kape. Ang almusal ko eh depende kung pumunta ang lola ko ng palengke: minsan puto, suman, nilupak, kalamay, cassava cake, spageti, palabok, goto. Pag walang nagpunta ng palengke, simpleng pandesal lang ang kinakain ko na minsan isasahok ko pa sa kape. Walang mahilig sa mga palaman dito. Ako ok lang. Minsan gumagawa ako ng palaman na pinaghalong mayonnaise at liver spread. Simple lang ang paggawa, paghaluin mo lang ang liver spread saka mayonnaise, at pagkatapos eh isasalin ko sa kung ano mang garapon na makikita ko. Masarap, pramis! Minsan din gumagawa ako ng chicken sandwich spread. Mahilig akong magluto at gumawa ng kung anu-anong makakain, pero ibang topic na yata ito. Hehe.
Pagkatapos kong kumain, minsan lalabas ako at makikipagharutan sa mga aso. Minsan pinapakain ko din ng pandesal.
Maliligo na ko pagkatapos. Minsan kahit gano ako kabusog eh pinipilit kong kumain ng lunch ng alas-dose ng tanghali. Minsan ako nagluluto ng lunch namin. Natutunan ko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng internet ang magluto ng adobo, sinigang, pork steak, binagoongan, baboy na may gata, caldereta. Nagpaturo ako minsan magluto ng Bicol Express nung nasa Sorsogon ako, pero natuklasan ko na ang Bicol Express pala ay parang Bagoong na may gata, sili at pinong-hiwa ng taba ng baboy. In short, sawsawan. Akala ko kasi ulam yun. Ewan ko lang, baka nagkakamali rin ako. Hindi na 'ko nangahas pang magtanong kung ano talaga ang Bicol Express. Parang I just lost interest about it na. Pero, masarap! Sa Sorsogon din ako nakatikim (at nakakita) ng Dinuguan na may Macaroni. Akala ko nga nung una, isaw ng baboy 'yun. Pero sobrang lambot eh, kaya napag-alaman kong elbow macaroni nga iyon. Pero, masarap!
Ngayon pagkatapos ko mananghali ng bandang 1pm, magoonline na ko. aabutin yun ng mga hanggang 2:30pm. Minsan naman, nanonood din ako ng tibi. Ako na korni, pero nanonood ako ng Magdusa Ka! Ang daming mga namumutok na dibdib dun. LOL. At syempre pa may mga bonus na "maiinit" na tagpo! Wahaha!
Pag natatamad na ko manood ng tibi, naglalaro naman ako. Tapos ko na ang Silent Hill Origins. Silent Hill fan ako! Oki naman siya, as always NAKAKATAKOT at NAKAKAGULAT! Maganda siyang laruin kapag gabi o kaya sa madilim. Pero bago yun, natapos ko na rin ang Prince of Persia: Rival Swords. Oki rin, maganda at enjoy laruin! Inumpisahan ko naman laruin kelan lang yung Harry Potter and the Order of Phoenix, pero tinigilan ko na, boring kasi eh. Hindi ako mahilig sa mga online games, gastos kasi yun, lo-load-an mo pa! Corny naman yung mga free.
Pagdating ng 7 or 8pm (or pag nagutom ako sa kakalaro), hapunan na. Tapos nood ng news sa tibi. Then laro ulit. Pag byernes naman, i see to it na makakapanood ako ng Bubble Gang. Pag inantok, magaayos na ng sarili bago matulog. Yun lang!
More or less ganyan kadalasan ang nangyayari sa araw-araw sa buhay ko habang hinihintay ko pa ang paguumpisa ko sa trabaho. Pumirma ako ng kontrata sa trabaho ko noon pang June 10, pero magiistart pa ko sa July 28. Ang tagal. Kaya heto medyo nababato na sa bahay.
Pumasok na rin sa isip ko ang kumuha na ng passport hangga't tambay ako sa bahay. Walang kinalaman yun sa trabaho ko, gusto ko lang maging ready na may passport na ko. Yun lang! Pero naisip ko na saka na lang, pag may pera na ako at nagta-trabaho. Ayoko muna kasi gumastos hanggat hindi pa 'ko kumikita. Ayoko namang humingi ng pera sa nanay ko o sa kahit sino pa man para sa pangkuha ng passport.
Naisipan ko ring mag-gym ulit. Meron kasi malapit dito sa amin, pero tulad ng sabi ko, ayoko muna gumastos. Makakapaghintay naman yun.
Pero kung tutuusin nakakabato na talaga sa bahay. As in. Bato na ang utak ko, pati na yata puso. Yikes.
"Sa langit / may tagpuan din / at doon hihintayin / itong bato sa buhangin //"
Sounds familiar? Wala lang. Nabanggit ko kasi ang bato. Hayyyy. My brain needs a work-out.